Tuesday, October 1, 2013

PARA SA MGA TAGA-ZAMBOANGA

I.
Sa gitna ng Kaguluhan
ay iyong nasisilayan
walang humpay na digmaan
nakakatakot pagmasdan
II.
Malakas na alingawngaw
ng nagpapalitang tingga
ang pagsabog ng granada
ay pumapatid ng buhay
III.
'di matigil na sigawan
mandirigma at tulisan
ay kapwa naggigirian
nang wala namang dahilan
IV.
marami ang tumatakbo
may ilan na nagtatago
kanila lang maiwasan
ang karit ni kamatayan
V.
kay rami na ng tumumba
at kahit hindi na kaya
patuloy na lumalaban
masabing sila'y matapang
VI.
Dugo ng nakahulagpos
ay patuloy sa pag-agos
at ngayon ay nababalot
ng walang hanggang bangungot
VII.
'di ba nila naiisip
ang digmaang walang patid
'di magdudulot ng mabuti
sa mga tao sa daigdig
VIII.
Atin sanang alalahanin
Diyos na lumikha sa 'tin
ang buhay na binahagi
huwag na sanang sayangin
IX.
Sana'y atin nang iwaksi
walang katapusang galit
kalayaa'y mamutawi
ang sa isip 'di mawaglit

No comments:

Post a Comment