Wednesday, October 23, 2013

SALAMAT

            Katatapos lang ng misa nang aking maalala ang lahat ng nangyari sa akin noon. Hindi ko lubos maisip na bakit sa akin pa nangyari ang lahat ng iyon, napakaraming pagsubok na inakala ko ay magiging sanhi ng aking kamatayan. Agosto noon, naalala ko pa, dito rin sa simbahang ito, planado na ang lahat. Ikakasal na ako sa babaing mahal ko, nang magdesisyon siyang umatras sakasal namin. Hindi ko alam ang dahilan kung bakit niya ginawa iyon. Nasaktan ako ng lubusan sa ginawa niya. Hindi ko alam ang aking gagawin noong mga oras na iyon. Siya na ang buong buhay ko, pero iniwan niya ako. Kahit na ganun, hindi ako nawalan ng pananampalataya sa Diyos.

            Ilang araw pagkatapos ng aming hiwalayan, nalaman ko na ipinagkasundo siya ng kanyang mga magulang sa anak ng isang mayamang negosyante, Kailangang isalba ang kanilang kompanya kaya pumayag siya sa gusto ng kanyang mga magulang. Ano namang magagawa ko, isa lang naman akong simpleng tao. Walaakong laban sa katulad nilang nakaaangat sa buhay. Dinamdam ko iyon ng lubusan, pero kailangan kong tanggapin, kung ito talaga ang nakalaan para sa akin.

            Hindi lang iyon, nang taon ding iyon ay nasunugan kami, palibhasa ay magkakadikit ang mga bahay sa lugar namin, kaya mabilis na kumalat ang apoy. Walang natira sa mga naipundar namin, tanging mga sarili namin lang ang naisalba namin. Nagpasalamat ako sa Kanya, sapagkat buhay kaming lahat. Mabilis naman kaming nakahanap ng malilipatan, salamat sa mga kaibigan namin at kami ay nakapagsimula muli. Ngunit akala ko ay tapos na, hindi ko alam na marami pa ang mga darating sa amin na hindi ko inaasahan.

            Isang araw, habang namalengke ang aking ina ay bigla na lang siyang hinarang ng isang lalaki, may dala itong patalim. Itinutok niya ito sa kanya at sinabing "akin na lahat ng pera mo pati yang pinamili mo kung hindi papatayin kita". Nagmatigas ang aking ina, palibhasa ay babago kaming nabangon mula sa trahedyang aming nakaharap kaya nanlaban siya. Hanggang sa nalaman namin sa mga kapitbahay namin na nasa pagamutan ngayon si ina dahil nasaksak siya ng holdaper. Hindi ko alam kung bakit nangyayari sa amin ang mga kamalasang ito, pero kahit na ganito, patuloy akong nanalangin sa kanya. Wala kaming mapagkunan ng gagastusin para sa pagpapagamot ng ina. Nang may isang mabuting samaritano ang nagbayad ng lahat ng gastusin ni ina sa ospital, gusto kong magpasalamat sa kanya, ngunit ang pangalan niya ay hindi ko nalaman ni ang anino niya, ay hindi ko na nakita. Buti na lang at hindi gaanong napuruhan ang ina kaya medyo gumaan ang aking paghinga sabi ko sa sarili ko na hahanapin ko ang taong iyon at pagbabayarin ko siya, pero sabi nga sa akin ng aking ina "masama ang gumanti sa kapwa, Diyos na ang bahala sa kanila". Sinabi ko sa sarili ko na sana ay tapos na ang lahat ng ito, pero nagkamali ako.

            Tatlong buwan ang lumipas pakatapos ng insidenteteng iyon kay ina ay may panibago na naman kaming nakaharap na suliranin na susubok na naman sa aking katatagan. Nasangkot ako sa isang malaking krimen na wala akong kinalaman. Nagkaroon ng malawakang raid sa aming lugar kasama ako sa dinampot ng autoridad, nagtatrabaho ako noon sa pagawaan ng pastillas sa isang pabrika malapit sa amin, ang hindi ko alam ay sa mismong lugar na iyon ay may laboratoryo ng ipinagbabawal na gamot. Inaresto ang may-ari ng pabrika kasama ang mga empleyado nito. Isa-isa kaming tinanong kung may alam kami sa mga iligal na transaksyon ng droga at sinabi ko naman ay wala ngunit nang aking nalaman na ang mga produkto na aming ginagawa ay may sangkap na droga. Hindi malayo na mag-positibo ako sa ipinagbabawal na gamot sapagkat nakakakain ako ng aming gawang produkto. Nakulong ako kasama ng iba, tulad ng nauna hindi ko na naman alam nag aking gagawin sa mga oras na iyon. Iniisip ko kung paano na kaya ang ina at ang ama kung ako ay nakapiit. Walang mag-aasikaso sa kanila, pareho na silang may edad. Kahit ganun, hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa, hindi ako bibitaw sa pananampalataya ko sa Panginoon, dahil alam ko na hindi niya ako pababayaan.

            Halos dalawang taon din akong nakakulong, dahil sa napatunayan na wala akong kinalaman sa kahit anong iligal na gawain, pinalaya rin ako. Wala akong kahit anong balita sa aking mga magulang. At sa aking pag-uwi, wala nang tao sa aming tahanan, wala na roon ang aking mga magulang, nilapitan ako ng aking dating kasamahan ang isang masamang balita na halos ikasawi ko na. Namatay ang aking ama dahil sa stroke, ang aking ina naman ay dinala na ng aking tiyahin sa Pampanga dahil wala nang mag-aalaga sa kanya. Nag-iisa na lang ako sa buhay, walang kasama. Inisip kong wakasan na ang pag-iral ko sa mundong ito. Sinubukan kong magpatiwakal, pero hindi ko nagawa. Hindi ko kayang tapusin ang aking buhay. Sinabi ko sa sarili ko na sinusubok lang ako ng Panginoon kaya walang dahilan para sumuko, lumuhod ako at nagdasal na sana ay matapos na ang lahat ng ito.

            Pagkatapos ng napakaraming pagsubok ay nagsimula nang magbago ang aking buhay. Sa tulong ng isang kaibigan ay nakapangibang bansa ako, naging drayber ako ng oil truck sa Saudi Arabia. Halos anim na taon din ako roon, nakaipon akong pera para makapagpatayo ng isang maliit na kainan. Hindi rin nagtagal, lumaki at lumawak ang aking negosyo. Gumanda ang aking buhay. Hinanap ko ang aking ina sa probinsya, ngunit nang malaman ko sa aking mga kamag-anak na pumanaw na ang aking ina. Agad kong tinungo ang puntod niya at humingi ako ng tawad, ngunit alam ko na masaya siya ngayon dahil magkasama na sila ng aking ama sa langit. Muli ay lumuhod ako at nagpasalamat sa Panginoon sa kabila ng napakaraming pagsubok ay hindi niya ako pinabayaan dahil alam ko na kahit kailan ay hinding-hindi niya tayo bibitawan.

No comments:

Post a Comment